Pumanaw na ang veteran actress at tinaguriang "Queen of Visayan movies" na si Gloria Sevilla.
Sumakabilang-buhay si Gloria sa Amerika sa edad na 90.
Kinumpirma sa GMA News Online sa Facebook nitong Linggo ni Dandin Ranillo ang pagpanaw ng kaniyang ina.
"It is with deep sadness that we announce the passing of our mom, Gloria Sevilla, the Queen of Visayas Movies, in Oakland, California at 11 am, [April 16, 2022]. She died peacefully in her sleep," ayon kay Dandin.
"We appreciate all those praying for the repose of her soul. Thank you," dagdag niya.
Ilan sa mga pelikulang ginawa ni Gloria ang iconic films na "Badlis sa Kinabuhi," kung saan nagwagi siya bilang best actress sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1969, "M: Mother's Maiden Love," at "Maestra."
Noong 2019, iginawad kay Gloria ang Lifetime Achievement Award ng Gawad Urian Awards.
Napanood din siya sa ilang Kapuso series tulad ng "Captain Barbell," "Zorro," at "Calle Siete," at iba pa.—FRJ, GMA News