Para makaiwas sa pagkakakulong, naghain ng guilty plea ang Hollywood actor na si Cuba Gooding Jr. sa misdemeanor count ng "forcibly touching a woman" sa isang nightclub sa New York noong 2018.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng Manhattan district attorney sa pahayag, na sa naturang guilty plea ay umamin din sa korte ng aktor ang tungkol sa pagpilit niya sa dalawang babae sa "non-consensual physical contact" noong 2018 at 2019.
Kung magpapatuloy umano ang 54-anyos na si Cuba na sumailalim sa court-ordered counseling sa loob ng anim na buwan, maaari niyang iurong ang kaniyang misdemeanor plea at maghain ng guilty plea sa mas mababang kaso na harassment, batay sa plea agreement.
Kung hindi naman siya susunod, maaari siyang makulong ng hanggang isang taon, ayon pa sa Manhattan District Attorney's Office.
Kinasuhan ang aktor sa New York State Supreme Court kaugnay ng pangmomolestiya umano sa tatlong babae sa magkakaibang night clubs sa Manhattan noong 2018 at 2019.
Naghain si Cuba ng guilty plea sa pinakaseryosong reklamo ng sapilitang paghalik sa isang babae sa isang nightclub noong September 2018, ayon sa emailed statement ng tagapagsalita ng district attorney.
"I apologize for ever making anybody feel inappropriately touched," pahayag umano ni Cuba sa korte nang mahain ng guilty plea nitong Miyerkules, ayon sa New York Times.
Hindi kaagad nakuhanan ng pahayag ang kampo ng aktor, ayon sa ulat.
Nahaharap din si Cuba sa hiwalay na $6 million civil lawsuit na isinampa ng isang babae na nag-akusa sa kaniya ng panggagahasa ng dalawang ulit noong 2013 sa Mercer hotel sa Manhattan's SoHo district.
Nauna nang itinaggi ng aktor ang naturang alegasyon.-- Reuters/FRJ, GMA News