Ikinatuwa ni Gabby Eigenmann na matapos ang pitong taon, muling niyang makakatrabaho ang Kapuso child star na si David Remo, na binatilyo na ngayon, para sa episode ng "Wish Ko Lang."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing huling nagkatrabaho sina Gabby at David sa Kapuso series na "Pari 'Koy" noong 2015.

Ngayon, 15-anyos na si David.

"Nagbinata siya, bumaba 'yung boses. Pero 'yung height gano'n pa rin," biro ni Gabby tungkol kay David.

"David nga, since he was a little boy, so it's always a joy working with him. 'Yun lang, nakakapanibago kasi dati talaga baby-baby 'yan ng set eh," dagdag ni Gabby.

Natutuwa rin si David sa kaniyang pagbabalik sa trabaho na kaniya raw nai-enjoy.

"Hindi naman po nakakapanibago. Kasi masaya pa rin 'yung taping, parang dati, lagi akong nag-e-enjoy sa ginagawa ko. At nakasama ko pa si Kuya Gab, ilang beses kaming nagkita," sabi ni David.

Kasama rin nina Gabby at David ang isa pang dating child star na 17-anyos na ngayong si Zymic Jaranilla.

Pinuri ni Bernadette Allyson, na kasama rin sa Wish Ko Lang episode, ang teen stars.

"Very (professional), walang kahirap-hirap, alam nila kung ano 'yung gagawin nila and they come to the set prepared," ani Bernadette.

Bukod dito, mapapanood din si David sa bagong Kapuso series na pinagbibidahan ni Kylie Padilla na "Bolera." --Jamil Santos/FRJ, GMA News