Single ngayon si Faith Da Silva at inihayag niya ang mga katangian na hanap niya sa kaniyang future "the one."
Sa panayam ng Biztalk sa GMA Regional TV, tila hindi masyadong tumitingin sa panlabas na hitsura si Faith dahil wala siyang nabanggit tungkol dito.
"Sa future someone siguro na mami-meet ko pero hindi pa natin alam kung kailan, I would want the person to be smart," anang Kapuso star.
Ipinaliwanag ni Faith, gusto niya na maraming natutunan sa mga tao na kaniyang nakakasalamuha.
"Sana matured din di ba," saad niya. "Mahirap yung situation na parang ako pa yung mag-aayos or ako payong gagawa ng way na mag-workout yung everything [sa relationship]," patuloy ni Faith.
Nais din ni Faith na "stable in life" na ang lalaki. Pero paglilinaw niya, hindi ito partikular tungkol sa usaping pinansiyal.
"Stable within himself and kailangan alam niya na yung plano niya sa life," paliwanag ng aktres.
Nauna nang ibinahagi ni Faith na handa niyang ibigay ang lahat kapag pumasok siya sa isang relasyon--romantic man o friendship.
Gayunman, hindi raw naging maganda o naging "toxic" ang nakaraang niyang relationship at hindi na isalba pa kahit ginawan niya ng paraan.
Sa mga nakaranasan ng ganitong relasyon, sinabi ni Faith na makaka-relate sila sa bago niyang awitin na "Sana Sabihin Na Lang."
--FRJ, GMA News