Kakabit na ng pangalan ni Lani Misalucha ang bansag sa kaniya na "Asia's Nightingale." Pero paano nga ba ito nagsimula at sino ang nagbigay sa kaniya ng naturang "monicker."
Sa Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni Lani na nakuha niya ang bansag na "Asia's Nightingale" nang maging manager niya si Ronnie Henares at asawa nito na si Ida.
Ayon kay Lani, dahil talent din noon ng mag-asawa si Regine Velasquez, na binansagang "Asia's Songbird," nag-isip sina Ronnie at Ida ng monicker na para sa kaniya, at konektado rin sa ibon.
"One night papauwi na si Ate Ida and then she's praying for revelation or some answers na kung ano ngang best na name na maibibigay sa akin," kuwento pa ni Lani.
Napalingon umano si Ida sa kabilang bahagi ng kalsada at may nakita itong sign na may nakalagay na "nightingale."
"Tapos biglang nag-spark na lang sa isip niya of course nightingale," ayon kay Lani.
Paliwanag ni Lani, very melodious ang sound ng mga ibong nightingale.
Bagaman karaniwan daw na mga lalaki ang nag-iingay sa gabi upang manligaw ng mga babaeng kapares.
Bukod dito, bagay din umano sa kaniya ang bansag na "nightingale" dahil mas nakikita umano ng dati niyang manager na mas tugma ang personality niya sa gabi.
Nagustuhan umano ni Lani ang kaniyang monicker na "Asia's Nightingale," na dumikit na sa kaniyang pangalan.
Puwede na rin umanong alisin na ang "Asia," at "Nightingale" na lang ang itawag sa kaniya.--FRJ, GMA news