Lalong humanga at lalong tumaas ang respeto ni Willie Revillame kay Michael V aka "Kuya Wowie," matapos na humalili ito sa kaniya bilang host ng "Wowowin," habang namamahagi ang una ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Siargao, Surigao del Norte.
Sa kaniyang pagbabalik sa programa, pinasalamatan ni Kuya Wil si Michael V o Bitoy, na may karakter na "Kuya Wowie" sa gag show na "Bubble Gang," dahil sa pagpayag na dalawang araw na maging host ng "Wowowin."
Kuwento ni Kuya Wil, tinawagan niya si Michael V para pakiusapan na mag-host ng "Wowowin", habang nasa Siargao siya para mamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong "Odette."
Hindi naman nabigo si Kuya Wil sa kaniyang pakiusap matapos na ayusin ni Bitoy ang kaniyang schedule.
"Kahit alam kong busy siya at hindi siya lumalabas ng bahay dahil alam niyo naman ho dahil nagkaroon siya dati ng problema sa COVID-19. So yung lang hong imbitahan siya at sabihin sa'yo ayusin ko lang schedule ko na 'pag naayos sige," kuwento ni Kuya Wil.
Ayon kay Kuya Wil, nang tawagan niya si Bitoy para pasalamatan, nagpasalamat pa raw sa kaniya ang komedyante dahil tila nagkaroon daw ito ng "playground" at naging masaya.
Sa isang pagsalang ni "Kuya Wowie" bilang host, napagkamalan siya ng lucky caller na kaboses ni Tekla at ni Mommy Dionisia.
Pero ayon kay Kuya Wil, mas pinasaya ni Bitoy ang milyong-milyong sumusubaybay sa "Wowowin," at naging mataas din ang rating.
Ngunit bukod sa pagpayag na humalili sa kaniya bilang host, ikinuwento ni Kuya Wil na wala silang pinag-usapan ni Michael V na presyo tungkol sa talent fee nito bilang host.
"Sabi ko, 'Magkano ba utang ko sa'yo?' Sabi niya, 'Wala kang utang sa akin. Kung anuman ang gusto mong ibigay, itulong mo na lang sa ating mga kababayan,'" kuwento ni Kuya Wil sa sinabi sa kaniya ni Bitoy.
Ayon kay Kuya Wil, "Kapag ganyan ho ang kausap mo iba ho priceless ho ang mga ganyang tao."
Sabi pa ng 'Wowowin host," "Kaya Bitoy, Michael V., tagahanga mo ako. Saludo ako sa'yo, napakabuti mong tao."
--FRJ, GMA News