Nakatakdang bumalik sa Amerika si Lani Misalucha ngayong Kapaskuhan at doon muna maninirahan pagkatapos ng "The Clash" 2021.
"I am praying na makaabot ako sa Amerika, sa bahay namin bago mag-Pasko. Tatapusin lang itong 'The Clash' at uuwi na ako. At saka sana walang magiging aberya sa pag-travel natin. Actually meron akong shows na gagawin sa Amerika," sabi ni Lani sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Huwebes.
Halos dalawang taon na aniyang hindi nakikita ni Lani ang mga anak at apo, kaya sabik na siyang makauwi sa Las Vegas, Nevada.
"I cannot await to see my daughters, especially 'yung aking mga apo na ngayon ay, my goodness malalaki na! 'Yung pinakabata kapanganganak niya lang noon," saad ni Asia's Nightingale.
"Noong umalis kami sa Las Vegas he was only 10 days old. Ngayon magtu-two years old na siya sa February," dagdag pa niya.
Inihayag ni Lani na mami-miss niya ang kaniyang mga kasama sa The Clash, na mga co-judges na sina AiAi delas Alas at Christian Bautista, at hosts na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Ken Chan at Rita Daniela.
"Napamahal sa akin itong mga kasama ko sa The Clash. Bawat isa talaga sa kanila, they are really, really nice people. Mababait itong mga ito, masarap katrabaho, walang yabang sa katawan."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News