Inilarawan ng pamilya at mga kaibigan bilang "good take" ang buhay ng namayapang direktor ng Bubble Gang, Pepito Manaloto, at Eat Bulaga na si Bert de Leon, na pumanaw sa edad na 74.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes, inilahad ng panganay na anak ni Direk Bert na si Niko de Leon na pumanaw ang ama dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19.
"He actually contracted COVID around August and then, he recovered naman after a few weeks. But he suffered from the complications of COVID, na-damage 'yung lungs niya and then because of the heavy medication pati 'yung kidneys niya na-affect. There was also internal bleeding. Ang dami na ring nangyari so nag-deteriorate talaga 'yung health niya," sabi ni Niko.
Nagkaroon ng online tribute Huwebes ng gabi para sa namayapang direktor.
Kabilang sa mga nagbigay-pugay ang Pepito Manaloto family ng direktor.
Inilahad ni Bitoy kung paano sila nagkakilala ni Direk Bert.
"Kung mag-a-adlib daw ako dapat inform ko si direk at gawin ko sa rehearsal para siguradong makukunan niya, at hindi masayang ang adlib ko, lalong lalo na kung nakakatawa. So 'yung adlib ko, hindi na-approve, pangit," sabi ni Michael V.
Hindi malilimutan ni Manilyn Reynes ang sinabi ni direk noong unang beses siyang bumalik sa taping ng Pepito Manaloto matapos pumanaw ang kaniyang ama.
"Hinawakan niya ako sa balikat sabi niya ‘Kaya mo 'di ba? You're stronger,'" sabi ni Manilyn.
Nagpasalamat din si John Feir kay direk na hindi siya nalimutan lalo nang tamaan siya ng COVID-19.
"Palagi tinatawagan mo kami, tine-text mo kami at kinakamusta mo kami. Direk Bert, una sa lahat, mami-miss kita!" sabi ni John.
Pisikal na dumalo sa tribute ang ilang cast ng Bubble Gang.
"Isa siya talaga sa mga nag-inspire, nag-push sa akin, sa Bubble," sabi ni Analyn Barro.
"He was very encouraging with my music and with my acting. He was always there sa mga milestone na 'yon," sabi ni Mikoy Morales.
Nagbigay-pugay din kay direk ang kaniyang Eat Bulaga family.
“Thank you for all the memories. Again our condolences to the family. Our thoughts and prayers are with you,” ani Vic Sotto.
Nakiramay din ang ilang GMA bosses na sina First Vice President for Business Development (Drama) Redgie Magno at GMA Entertainment Group Senior Vice President Lilybeth Rasonable. — VBL, GMA News