Ibinahagi ni Wilma Doesnt ang kaniyang malasakit sa mga taong may special needs at no read, no write, nang tanggapin niya ang mga ito bilang empleyado sa kaniyang restaurant.
Sa "Mars Pa More," ikinuwento ni Wilma na sinimulan niya ang kaniyang restaurant business nitong pandemic. Nang dumami ang dine in at pickup, kinailangan na niya ng dagdag na empleyado.
Hanggang sa lumabas siya ng kalye at nakilala ang mute and deaf na si Richard.
"'Yung asawa niya sinasabi sa amin is gustong magpa-picture raw sa akin 'yung lalaki kasi artista ako. So nagsa-sign silang dalawa. Nakakaintindi ako nang konti. Pero si Richard, 'yung mismong staff ko [ngayon], dinidedma niya 'yung asawa niya. Ang sinasabi niya is 'Hindi, gusto kong magtrabaho sa'yo,'" kuwento ni Wilma na pakiusap daw sa kaniya ni Richard.
"Nag-apply siya right there and then sa akin. Noong nakita ko 'yung sincerity sa mata niya, sabi ko sa kaniya 'Okay, balik ka bukas, 8 a.m. Tinry ko lang. 7 a.m. nandu'n na siya sa restaurant," dagdag ni Wilma.
"Sabi ng asawa ko 'Bakit mo siya tinanggap? Paanong gagawin natin?' Bahala na. Tinanggap namin siya. Mula noon hanggang ngayon, never siyang nale-late."
Ayon sa actress-host, kailangan lamang bigyan ng mga gawain si Richard at tatapusin niya ito nang tahimik.
"Kapag nagkakamali siya, sasabihin niya sa akin, maliit lang daw 'yung utak niya. Sabi ko, 'Hindi okay lang 'yan, pogi ka naman,' okay lang 'yan," sabi ni Wilma tungkol kay Richard.
Samantalang si Ocho naman ang empleyado ni Wilma na no read, no write.
"Hindi siya makapagbasa, hindi siya makapagsulat ng sarili niyang pangalan, hindi siya makapagbilang," sabi ni Wilma.
"So ngayon nakakabilang na siya out of 10. Achievement na namin 'yon. Ang sarap lang sa feeling."
Humanga naman ang mga Mars na si Iya Villania at Camille Prats sa mga katulad nina Ocho at Richard na pursigidong magtrabaho, at kay Wilma na nagbigay sa kanila ng pagkakataon.-- FRJ, GMA News