Kung aktibo sa social media ang maraming celebrity, ang multi-talented actor na si Epy Quizon, mas piniling iwasan ito. Ipinaliwanag din niya kung bakit ayaw niyang pasukin ang pulitika.
Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, inilahad ni Epy na "marupok" siya o madaling masaktan sa tuwing nakakabasa ng mga puna sa kaniya.
"People will be handling my social media for me because honestly, I get lost. Ako kasi madali rin ako talagang tamaan. May mag-comment lang sa akin ng 'Ang baduy mo Epy, ano na?' 'Ay, baduy daw ako.' Dinadala ko siya, and I cannot just put it aside," paliwanag ng aktor na gaganap na kontrabida sa "Voltes V: Legacy."
"Marupok ako in terms of social media, and I don't think I am for that," dagdag pa ng aktor.
Gayunman, sinabi ni Epy na ginagamit niyang mga social media ang kaniyang magkaisaPH na advocacy program, at ang Epyq Films.
Kasabay nito, sinabi rin ni Epy na wala siyang planong pumasok sa mundo ng politika.
"Ang daling maging hari, sabi nga ng tatay (Dolphy) ko. He used to be a king. But I was born and bred to be a jester. So why will I run for the kingship?" ani Epy.
"Palagi niyang sinasabi nga na, 'Ang daling manalo, pero paano kung manalo ako, anong gagawin ko diyan?' Same here. I'm a storyteller, I'm not a politician," sabi pa ng aktor. --FRJ, GMA News