Nagpasiklab si Kim Domingo na fierce at stronger sa kaniyang mga bagong larawan sa social media matapos na gumaling sa COVID-19.
"I’m back," caption ni Kim sa larawan niya sa Instagram.
"May skin, may paseksing konti. Ang peg namin diyan si Taylor Hill. Naka-survive ako, lalaban ako ulit," sabi ni Kim sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.
Nagagawa na ring tumawa at ngumiti ni Kim matapos gumaling, pero sinabi niyang hindi naging madali sa kaniya ang pagkakaroon ng sakit.
Mild na mga sintomas ang naranasan ni Kim, kabilang ang runny nose, lagnat at pagkawala ng panlasa at pang-amoy.
Gayunman, nahirapan siya nang makaranas ng stress at anxiety.
"Totoo nga 'yung sinasabi ng iba na nagka-COVID, na marami kang maiisip. Ang iniisip ko noong time na 'yun, baka lumala, 'yung alam mong okay ako tapos biglang baka lumala siya nang lumala, 'yung mga gano'n. So nakakatakot siya," sabi ni Kim.
Sa kabutihang-palad, bakunado na si Kim bago siya nagpositibo.
"Feeling ko kung wala akong bakuna, baka naging severe," anang Kapuso actress.
"So kung meron kayong pagkakataon na magpabakuna, magpabakuna na kayo," payo ni Kim sa mga hindi pa nagpapabakuna.
Ayon kay Kim, marami siyang bagay na natutunan at na-realize sa kaniyang karanasan, at marami rin siyang mga kaibigan na nagpadala ng mensahe. --Jamil Santos/FRJ, GMA News