Mahigit anim na dekada nang napapanood sa mga pelikula at telebisyon, at kilala bilang isa sa may pinakamagandang mukha sa showbiz, maituturing na haligi na ng industrya ang 87-anyos na si Gloria Romero. Ano nga kaya ang sikreto sa kaniyang ageless beauty?
"Kami-kami mga artista kasi kailangan lagi kang maghanda kapag nakikita ka ng mga tao. Kaya kailangan lagi kang matulog nang maaga," pagbabahagi ni Gloria sa "Tunay Na Buhay."
"Tapos 'yung masayahin ka, makuwento, tapos 'yung huwag kang magsisigarilyo kung saan-saan. Huwag kang iinom-inom," dagdag pa ni Gloria.
Bago maging leading lady at bida sa mga pelikula, nagsimula muna bilang extra si Gloria.
Hanggang sa ipakilala si Tita Glo ng kaniyang tiyuhin na nagtatrabaho sa Sampaguita Pictures, sa may-ari ng isa sa pinakamalaking movie production companies noong kaniyang kabataan.
Mula noon, napabilang na si Gloria sa mga bigating artista ng Sampaguita Pictures.
Balikan sa Tunay Na Buhay ang pagsisimula ni Tita Glo sa showbiz, hanggang sa kaniyang maraming pagganap sa big screen at telebisyon.
—LBG, GMA News