Nagbigay ng babala si Bossing Vic Sotto sa mga cyberbully at nagpapakalat ng fake news, matapos na lumabas ang ilang usapin na nabuntis umano niya si Julia Clarete.

Ayon sa ulat ng pep.ph, patuloy sa pagkalat ang ganitong usapin, kabilang na rin ang pagdedemanda raw ni Julia kay Vic.

Nagsalita si Bossing Vic sa Eat Bulaga nitong Sabado, at ipinaabot ang kaniyang mensahe sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

"OK, ito makinig kayo. Ito ang hugot ko for today. Sa mga nagsa-cyberbully o mga gumagawa ng fake news, o naninira ng tao sa social media lalo na o sa ibang paraan: Lalo niyong tatandaan na may nasasaktan kayo at 'yan ay pagbabayaran ninyo," saad niya.

"'Wag niyo isipin na dahil pinalalampas lang ng iba ay mahina na o naduduwag," pagpapatuloy ni Bossing Vic.

"Nakikita kayo, tandaan niyo 'yan, nakikita kayo at hindi natin 'yan palalampasin. Darating ang araw na may paglalagyan kayo," ayon pa sa Eat Bulaga host, na binibigyang-diin ang mga salitang "niyo" at "kayo." —LBG, GMA News