Nitong nakaraang Marso nang magpositibo sa COVID-19 ang komedyanteng si Dennis Padilla. At kahit artista, aminado ang aktor na prinoblema niya kung saan kukunin ang ipambabayad sa ospital na umabot sa mahigit isang milyon.
Sa ulat ni Jun Veneracion para sa "Reporter's Notebook," sinabi ni Dennis na hindi siya makapaniwala na dadapuan siya ng virus at matindi ang naging epekto sa kaniyang katawan dahil healthy living naman siya.
Nang suriin umano ang kaniyang mga baga sa isang pribadong ospital kung saan siya naratay, natuklasan na mayroon siyang pneumonia.
Sa ikalimang araw ng kaniyang pagkaka-ospital, umabot na sa agad sa P500,000 ang kaniyang gastusin, at doon na siya nag-alala sa ipambabayad.
Tumagal ng dalawang linggo ang gamutan kay Dennis sa ospital, at umabot sa P1.2 milyon ang kaniyang dapat bayaran.
Nabawasan naman ito ng mahigit P250,000 mula sa PhilHealth benefit package para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Pero dahil kabilang ang mga artista sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemic, malaking halaga pa rin sa kaniya ang natitirang bayarin.
"Ganun naman tayo, isang kahig isang tuka. Kapag may show, 'pag may, pelikula may pera," pahayag niya.
Aminado si Dennis na nanghingi siya ng pera sa mga kaibigang artista at mga hindi artista.
Ayaw daw niyang sabihin na utang dahil hindi niya kayang ipangako kung mababayaran niya ang mga ito.
"Hingi talaga [ng pera]," saad niya.
Kung walang tumulong, sinabi ni Dennis na malaking problema ang kaniyang aabutin at mapipilitan siyang mag- promissory note sa ospital.
"Pinoproblema mo na yung sakit mo, tapos financially iisipin mo. So dalawa yung stress mo," sabi ni Dennis.
Sadya raw mauubos ang ipon ng isang tao kapag tinamaan ng matindi sa COVID-19.
Mapalad ang katulad ni Dennis na isang celebrity na may mga kaibigan na tumulong sa gastusin sa kaniyang hospital bill.
Pero papaano ang mga ordinaryong tao na napilitan din at pikit mata na ipinasok sa pribadong ospital ang kamag-anak na may COVID-19 at umabot din sa milyon-milyon piso ang gastusin? Tunghayan ang hirap na kanilang kinakaharap sa video na ito ng Reporter's Notebook.
--FRJ, GMA News