Todo ang kilig ni AiAi delas Alas matapos siyang sorpresahin ni Gerald Sibayan ng matagal na niyang gusto na Hello Kitty-themed na mga dekorasyon sa bahay, para sa kanilang ikapitong anibersaryo bilang mag-asawa.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita na mula sa mga gamit sa kusina gaya ng stove, microwave at cabinet, hanggang sa dining room, sala at iba pang parte ng bahay, puro Hello Kitty ang mga disenyo sa bahay nina AiAi.
Bukod sa kulay pink na cabinets at gamit sa bahay, naka-display din ang samu't saring na Hello Kitty stuffed toy na pag-aari ni AiAi.
Ayon kay AiAi, matagal na niyang wish ang Hello Kitty collection.
"'Gawin ko kayang Hello Kitty itong bahay?' Tapos tawang-tawa siya kasi 'pag naggu-Google ako tinitingnan ko, 'Ay ang ganda-ganda naman nito.' 'Gusto mo ba ng ganiyan?' 'O bakit bibigyan mo ba ako?' Sabi niya, 'Ah hinde.' 'Parang kang baliw nagtatanong ka pa.' Tapos bilang 'Taran!,'" sabi ni AiAi.
Ayon kay AiAi, walang perpektong relasyon, kaya inilahad niya ang kaniyang tip para pagtibayin ang relasyon ng mag-asawa.
"Siguro totoo 'yun na parati kaming nagno-novena at nagdadasal. Talagang si Lord ang nasa center talaga. Kasi kung wala si Lord, alam mo na, siyempre hindi naman perfect ang pagsasama namin," anang Kapuso Comedy Queen.--Jamil Santos/FRJ, GMA News