Nakatikim ng matinding sermon kay Tom Cruise ang dalawang crew na bahagi sa shooting ng “Mission: Impossible 7” matapos na makita niyang hindi umano sumusunod sa COVID-19 guidelines.
Batay sa ulat na unang lumabas sa The Sun, sinabing inabutan ni Tom ang dalawang crew member na halos magkatabi na sa harap ng computer screen, na kabilang sa mga ipinagbabawal sa set para maiwasan ang hawahan ng virus.
Hindi umano napigilan ng top Hollywood actor na makapagbitiw ng masasakit na salita dahil sa labis na pagkadismaya dahil ilang ulit na ring naantala ang shooting ng pelikula sanhi sa COVID-19.
“If I see you do it again you’re fucking gone,” babala ng aktor.
May nakuha ring voice taped ang The Sun na naglalaman ng umano'y paglalabas ni Tom ng tila sama ng loob sa ginawang paglabag ng dalawang katrabaho sa safety protocols.
Inihayag din ng aktor ang kahalagaan ng kanilang pag-iingat sila para hindi na mapurnada ang ginagawa nilang proyekto dahil libu-libong manggagawa ang umaasa sa kanilang pelikula.
“We are the gold standard. They’re back there in Hollywood making movies right now because of us. Because they believe in us and what we’re doing. I’m on the phone with every fucking studio at night, insurance companies, producers and they’re looking at us and using us to make their movies. We are creating thousands of jobs, you motherfuckers. I don’t ever want to see it again. Ever,” giit ng aktor.
Nasa Britanya ngayon ang crew ng "Mission: Impossible 7" para ipagpatuloy ang kanilang shooting.
Noong nakaraang Oktubre, natigil ang kanilang trabaho nang magpositibo sa virus ang 12 kasamahan nila sa set habang nasa Italy.
Mula noon, lalo pang naging mahigpit si Tom na ipatupad ang COVID-19 guideline sa shooting para hindi na muling magkaaberya sa ginagawa niyang pelikula na nakatakdang ipalabas sa Nobyembre 2021.--FRJ, GMA News