Binalikan ni Ina Raymundo sa digital show na "Justi In" ang simula ng kaniyang showbiz career na umusbong matapos siyang sumikat dahil sa "Sabado Nights" na commercial ng isang brand ng beer.
Taong 1994 nang lumabas si Ina sa isang sitcom at teleserye. Pero umarangkada ang kaniyang carreer nang lumabas kaniyang "Sabado Nights" commercial noong 1995.
"I would say malaking break sa akin 'yung commercial na Sabado Nights. I'm so thankful talaga hanggang ngayon, kaya nga palagi I'm forever grateful," sabi ni Ina sa host ng programa na si Paolo Contis.
Taong 1996 ay nagkaroon naman ng pelikulang "Sabado Nights" na isa sa mga leading lady si Ina.
Noong 2017, nagkaroon ng bagong version ang Sabado Nights commercial ng naturang serbesa at kasama ni Ina si Bossing Vic Sotto.
Ayon pa kay Ina, hindi niya nakita ang sarili niya na para sa isang love team.
"Minsan naiisip ko nga eh, meant ba talaga ako to do sexy roles or would I have enjoyed being part of a loveteam? Ini-imagine ko 'yun, pang-loveteam ba ako kung hindi nga ako napunta sa sexy roles? Parang hindi eh," pahayag niya.
"Let's face it, talagang pag-loveteam ka, sobrang 'yun talaga 'yung pinapanood ng mga tao, 'yun talaga 'yung sobrang dami mong fans, 'yung meron kang fandom, lalo na ngayon. Pero iniisip ko, hindi rin talaga ako pang-loveteams," dagdag ni Ina.
Para kay Ina, may ilang limitasyon kapag nasa loveteam ang isang artista dahil mayroong kailangang pangalagaan na imahe.
"Siguro not meant talaga ako na magka-loveteam," saad niya.--FRJ, GMA News