Muling ire-release ng Journey frontman na si Arnel Pineda ang kaniyang 2015 Christmas single na "This Christmas" na may twist para magbigay pag-asa ngayong COVID-19 pandemic.

"Binago ko 'yung arrangement niya and then I changed a few lyrics para mas connected siya, meron siyang relevance kung ano 'yung nangyayari ngayon sa atin," sabi ni Arnel sa Kapuso Showbiz News.

Naisip ni Arnel na muling i-release ang kaniyang kanta lalo ngayong dumadaan sa pagsubok ang mga tao.

"Pero at the same time siyempre even before noong kinompose (compose) ko siya, at the back of my head iniisip ko talaga, ito 'yung song na I need to send a message to everybody na meron tayong common responsibility sa kapwa natin Pilipino na kapag nakikita nating nahihirapan or they are really having a hard time with their lives, kung ano 'yung makakaya nating maitulong sa kanila, ibigay natin," saad ng Pinoy singer.

Layunin daw ng revamp ng "This Christmas" ni Arnel na patatagin ang loob ng bawat isa.

"I-share mo 'yung hope na nararamdaman mo, 'yung tapang mo para naman sila rin magpatuloy sa buhay nila at hindi na huminto."

Inihayag din ni Arnel na plano niyang isali ang anak niyang si Angelo sa revamp ng "This Christmas."

Sa gitna ng COVID-19 pandemic, naging abala si Arnel sa pagiging ama niya sa kaniyang pamilya.

"Naging productive ako ngayon being a father and being a husband. Dahil ako taga-luto rito, taga-palengke," kuwento niya.

Patuloy daw na lumilikha si Arnel ng mga kanta para sa bago niyang solo album.

Abala rin siya sa apat na kanta para sa banda niyang "Journey."

"Mas naging intense lang 'yung pagsusulat ko. Kasi 'yun naman ang hobby ko eh. Ayun 'yung therapy ko rin 'pag meron akong anxiety or something in my head is bothering me. I write poems tapos I turn it into a song, I come up with a melody tapos I do demo out of it," sabi ni Arnel. 

 

—LBG, GMA News