Ngayong isa nang artista, inihayag ni Claire Castro na hindi pa rin niya maiwasan minsan na pagdudahan ang kaniyang sarili, pero nariyan naman ang kaniyang amang si Diego Castro para paalalahanan siya.

"Kasi sometimes I doubt myself. And my dad was like, 'No, you can do this. You're just thinking lowly of yourself,'" kuwento ni Claire sa Mornings with GMA Regional TV.

Patuloy daw na ginagabayan si Claire ng kaniyang ama ngayong napapanood na siya sa ilang GMA shows.

Nakabilang na si Claire sa Love You Two (2019), Dragon Lady (2019), at Anak ni Waray vs. Anak ni Biday ngayong taon.

"That really pushed me to believe in myself," sabi ni Claire.

Ikinuwento ni Claire na bata pa lamang siya, gusto na niyang maging isang celebrity tulad ng mga magulang niyang 90's stars na sina Diego at Raven Villanueva.

"Yes, definitely! Ever since I was a kid," tugon ni Claire nang tanungin sa #RealTalk ng GMA Public Affairs kung matagal na niyang gustong maging artista.

May pag-aalinlangan daw noon si Diego na pasukin niya ang showbiz, at mas nais ng kaniyang mga magulang na mamuhay siya nang "normal."

Ngunit nang lumaki na siya at maging mature, pumayag na rin daw ang kaniyang ama na pasukin na ang mundo ng pag-aartista. --FRJ, GMA News