Nagbigay ng paalala si Maine Mendoza na bigyan ng halaga ang mga pinagdadaanan o nararanasang problema ng bawat isa, gaano man ito "kaliit."

"Paalala lang din sa lahat, na gaano man 'kababaw o kaliit' sa mata natin ang pinagdadaanan o ang problema ng iba, wala tayong karapatan na sabihan sila ng dapat nilang maramdaman. Hindi talaga natin malalaman ang pakiramdam ng isang bagay kung hindi tayo ang nasa lugar nila," sabi ni Maine sa kaniyang tweet.

Ayon kay Maine, mahalaga ang pag-unawa at pag-respeto, dahil iba-iba ang karanasan ng bawat tao.

"Huwag natin isawalang-bahala yung nararamdaman ng iba dahil lang iba ang pananaw natin sakanila. Matuto tayong umunawa at rumespeto ng nararamdaman at pinagdadaanan ng mga tao dahil hindi natin alam kung gaano kabigat ang mga ito para sakanila. Diba nga, iba-iba tayo ng laban."

 

 

“Malaking bagay ang presensya natin, pakikinig natin, pagtanong ng ‘kamusta ka?’ para sa mga taong may pinagdadaanan. Hindi man natin alam ang problema o dinadala ng mga kasama natin, malaking tulong na yung nandyan tayo para ipaalam at IPARAMDAM sakanila na handa tayong makinig na hindi sila nag-iisa at nandito tayo para damayan sila," dagdag pa ni Maine.

 

 

 

 

Mensahe ng Phenomenal Star sa lahat: "Mahigpit na yakap sa lahat! Kapit lang tayo. Laban lang!"

Nag-tweet si Maine matapos maging panauhin sa "Bawal Judgmental" ng “Eat Bulaga” ngayong Sabado ang mga nagkaroon na ng dalawa o higit pang tiyansa sa buhay o nagka-depresyon, at kung paano nila ito nalagpasan.

Isa na rito si Avi, na sumubok na wakasan na ang kaniyang buhay dahil sa pagkalito sa kaniyang gender identity ngunit wala siyang mapagsabihan.

Si Carlo naman, pakiramdam na wala raw siyang nagawang tama na ikatutuwa ng kaniyang magulang at sabay-sabay ang problema sa pamilya. Bukod dito, wala siyang napagkukuwentuhan ng kaniyang mga pinagdadaanan.

Ganito rin ang naranasan ni Brian, na nawalan daw ng tiwala sa mga tao sa paligid niya at pakiramdam na walang nakikinig sa kaniya.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Brian ng isang oras, pero noong mga panahong iyon, may nakita siyang liwanag sa panaginip na nagbigay sa kaniya ng lakas. Ipinagdasal pala si Brian ng kaniyang kuya.

Tunghayan ang kanilang mga kuwento ng tagumpay sa kanilang mga pinagdaanan. – Jamil Santos/RC, GMA News