Inanunsyo ni Kuya Willie Revillame na magbibigay siya ng P5-milyong tulong para sa mga jeepney driver na namamalimos na sa gitna ng COVID-19 pandemic. Magkakaloob din siya ng tig-P100,000 sa bawat pamilya na naulila ng mga OFW na namatay sa pagsabog sa Beirut, Lebanon.
"Sa sarili kong pinag-ipunan, dahil ako naman po ay may trabaho ngayon at siyempre napakahirap. Gusto kong tumulong una doon sa mga jeepney drivers. Sa tingin ko ito ang mga unang nangangailangan," sabi ni Kuya Wil, na naging panauhin sa unang pagkakataon sa news briefing ni presidential spokesperson Harry Roque.
"I am willing to give, sa akin pong naipon, hindi naman ito pagmamayabang, ito lang ang puwede kong maitulong sa gobyerno kasi hindi naman ako puwedeng lumapit kay Mr. President, sa mahal na Pangulo na, 'Ito ibibigay ko,' hindi magandang tingnan. Siguro sa inyo (Roque) na lang, ang balak ko ho ay magbigay ng P5 million ngayon, sa araw na ito, at handa ako na ibigay sa jeepney drivers na talagang namamalimos na," anang "Wowowin" host.
Patuloy daw na nagtrabaho si Kuya Wil sa gitna ng pandemya sa pamamagitan ng kaniyang "Wowowin-Tutok To Win."
"Five million ngayon, next month magbibigay ulit ako ng five million para doon ho sa mga tao na talagang nangangailangan. Kung kakayanin ko monthly ito, sasabihin ko kay Secretary Harry Roque," dagdag ni Revillame.
Sinabi naman ni Roque na ibibigay niya ang donasyon ni Willie sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa Department of Transportation (DOTr).
Apat na pamilya naman ang makakatanggap ng P100,000 matapos masawi ang kanilang mga kamag-anak sa naging malagim na pagsabog sa Beirut.
"'Yung apat na pamilya po na naulila, I'm willing to give P100,000 each," ani Kuya Wil.
Nakatakda namang i-turnover ang mga tulong sa mga pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ayon kay Roque.
Si Willie ang nag-host ng briefing na ginawa sa Wil Tower habang naka-isolate ang New Executive Building dahil sa COVID-19 cases sa ilang empleyado ng Palasyo. —LBG, GMA News