Pinasalamatan ng isang avid fan si Heart Evangelista na naging OFW ang ginawang pagtulong sa kaniya ng aktres nang magkaproblema siya sa trabaho sa Dubai at pinili na lang na bumalik sa Pilipinas.

Inilahad ni Nes Almario, na 16 taon nang miyembro ng fans club na "Heart World," ang kaniyang pagpapasalamat kay Heart sa "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" noong Lunes, ang huling live telecast ng segment bago bumalik sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila.

"Hearty, thank you sa lahat ng tulong, sa mga naitulong mo sa akin dati. Thank you for saving me. Alam mo mahal na mahal kita. Hindi kita iiwan," mensahe ni Nes sa aktres.

"Noong nagpunta po kasi ako ng Dubai, nagkaproblema ako. Parang late na, ayokong siya (Heart) 'yung lalapitan pero no choice na talaga ako," kuwento ni Nes.

"Agad-agad ipinatawag niya sa'kin 'yung attorney ni Senator Chiz hanggang sa sabi niya, 'No, kailangan mo makaalis diyan, ako ang gagawa ng paraan,'" kuwento ni Nes. “Then sabi niya, ‘I don't know how to book. Ito 'yung card, ikaw ang mag-book ng ticket mo pauwi.' 'Yun po ang ginawa niya."

Sa ulat ng PEP.ph, inihayag ni Nes na nangyari ang insidente noong 2017 at nagkakahalaga ng P23,000 ang kaniyang flight sa Dubai pauwi ng Maynila.

"Mahigit po sa P23,000 ang plane fare pero hindi na niya pinabayaran. Ang sabi niya, 'Hindi mo ako kailangan bayaran at wala kang kailangan bayaran. Nang makarating ako sa Pilipinas, kinontak niya agad ako para pumunta sa bahay niya," sabi ni Nes.

“Ganoon po siya kabait. Hindi lang po alam ng iba... Si Heart po maarte siya pero mabuti po siyang tao. Hindi lang alam ng mga tao 'yun. Hindi niya lang talaga sinasabi, hindi lang pino-post sa social media," kuwento naman ni Nes sa Dabarkads.

Sinorpresa naman ng Dabarkads si Nes ng isang video message mula sa kaniyang idolo.

“Nes, thank you so much for being a part of Heart World for the longest time. But also for being a friend and part of my family. You’ve always been there for me and I’m just so blessed to have angels like you in this world," mensahe ni Heart kay Nes.

Ngayong may pandemic, patuloy din ang pagtulong ni Heart sa mga may sakit na humihingi ng tulong, estudyanteng kailangan ng tablet sa pag-aaral, at maraming iba pa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News