Kahit isang certified volunteer firefighter na, sinabi ng Kapuso actor na si Wendell Ramos na patuloy pa rin ang kaniyang pagsasanay bilang isang alagad ng pamatay sunog.
Sa panayam sa kaniya ng GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes, nilinaw ni Wendell na hindi siya sumali sa pagiging bumbero para mapag-usapan lang.
Aniya, sadyang noong bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging bumbero at ginawa niya ito sa panahon ng community quarantine.
Paliwanag pa ng aktor, hindi lang sa pagpatay ng sunog kumikilos ang mga bumbero kung hindi maging sa pagsagip ng buhay at sa paglilinis ng mga kalsada na mahalaga ngayong may pandemic.
Pero umaasa siya na makapaghihikayat din siya ng iba na maging bumbero at isama nila sa kanilang bucket list ngayong may community quarantine.
"Sa palagay ko itong ginawa ko tamang-tama lang po. Hilig ko rin naman po talaga nung bata po," anang aktor. --FRJ, GMA News