Isinugod sa ospital matapos umanong matagpuan na walang malay ang komedyante at dating "Eat Bulaga" dabarkads na si Kim Idol, o Michael Taniera Argente sa tunay na buhay.
Napag-alaman na nagsisilbing frontliner si Kim sa isang quarantine facility kaya nilinaw ng kaniyang ina na si Maria Argente, na walang kinalaman sa COVID-19 ang nangyari sa anak.
Sa Facebook, sinabi ni nanay Maria, na komplikasyon dulot ng brain ateriovenous malformation (AVM) ang nangyari kay Kim.
"Sa mga nakakakilala kay kim idol patuloy tayong manalangin para sa kanya. sinuong nya ang kanyang buhay para sa nangangailangan ng tulong bilang frontliner. nd sya nahawa ung AVM un ang naging dahilan napagod at puyat marahil," ayon sa ginang.
Ang AVM ay may kaugnay sa problema ng daloy ng dugo sa utak. Taong 2015 nang ibahagi ni Kim ang naturang problema sa kaniyang kalusugan.
Sa kaniyang Instagram account, proud na ipinapakita ni Kim ang ilang larawan niya sa pagiging frontliner.
Sa FB post naman ni Teri Onor, sinabi ng komedyante na naka-life support umano ngayon si Kim.
Sa post naman ni Super Tekla, ibinahagi nito na tinawagan pa niya si Kim bago ito nangyari dahil naramdaman niya na may nararamdaman ang kaibigan.
"Ayan di ka nagsasabi Ng Nararamdaman mo tinawagan kita dahil nararamdam ko yung post mo may Something sabi mo OK ka LNG sabi ko kahit,puntahan,kita Kim idol Teh kaya Pa yan wag na wag kang bibitaw Lumaban ka KAya mo yan..." saad ni Tekla sa post.
Humingi ng panalangin si Tekla para sa paggaling ni Kim at ng kaniyang baby na si Angelo na nasa ospital din para operahan sa birth defect na anorectal malformation. --FRJ, GMA News