Sa halip na laging mag-alala kung kailan ulit siya makakapagtrabaho, nakaisip si Mikee Quintos ng personal projects na maaari niyang gawin para matulungan ang sarili ngayong may COVID-19 pandemic.

Sa panayam sa kaniya ng Kapuso Showbiz News, hindi muna nagdetalye si Mikee kung ano ang mga sinisimulan niyang personal projects, dahil gusto niya munang buuin ito sa kaniyang sarili.

"Kahit sa mga kapatid ko, as in ayoko ring ikuwento dito sa bahay, sa mga kasama ko, ayoko muna kasi feeling ko siguro creatively lang na kapag nakuwento ko na siya sa ibang tao makukulong na 'yung utak ko sa ganu'ng idea and mahihirapan na akong mag-think out of the box kapag kinuwento ko siya sa iba," sabi ni Mikee.

"And then when I'm confident about it, when I feel like it's good enough, then I'll share it," dagdag niya.

Naramdaman daw ni Mikee ang epekto ng community quarantine lalo noong hindi pa naging sigurado ang mga tao kung kailan ito matatapos.

"Kasi nahuli ko sarili ko na first few weeks, hinihintay ko, hindi ko kailangang masyadong mag-adjust, I'm gonna wait it out, abangan kong matapos ito and then back to normal, wala akong kailangang baguhin sa sarili ko, ganoon 'yung iniisip ko noong una. Pero noong nag-extend nang nag-extend, parang mali na 'yung ganu'ng mindset kasi na-stuck ako."

Noong umabot pa ng anim hanggang pitong linggo ang quarantine, napaisip na si Mikee na kailangan niya ring tulungan ang kaniyang sarili "emotionally and mentally."

"I have to do something and work on something.' Doon nag-umpisa 'yung mga personal projects, doon akong nag-umpisang maging isip about and maging creative," ani Mikee.

Binago rin daw ni Mikee ang kaniyang mindset na paglaanan ng oras ang kaniyang personal projects, mula sa pagpilit sa sarili na matulog na lang.

"As in, mas na-e-excite tuloy ako, para akong nag-start ulit ng fire sa passsion ko na, ewan ko hindi ko ma-explain pero 'yung shift ng mindset na 'yun na tinanggap ko na na baka maging matagal ito, baka ma-extend nang ma-extend so, siguro 'yun nga 'yung projects na inuumpisahan ko na kaya kong gawin dito sa bahay, ang dami niyang naging positive effect somehow sa akin."

"Nag-stop na 'yung mga thoughts ko about, 'Okay kailan ulit magte-taping? Kailan ulit magno-normal? Paano ito pagbalik ng taping?'" sabi pa ng Kapuso actress.

Naalala raw ni Mikee ang kaniyang acting mentor na nagturo na "your quality of life is based on the quality of questions you ask."

"From the questions na 'Kailan ito matatapos? Paano tayo mag-a-adjust? Paano tayo magiging normal ulit? Nagbago siya sa 'Ano ba ang puwede kong gawin ngayon? Saan ko puwedeng ilabas 'yung creative outlet ko? Saan ko puwedeng gamitin?" sabi ni Mikee.

"Because of the change in the questions nga, nag-change 'yung mood ko everyday, mas may gana na ako gumising kasi may purpose na ako bigla ulit," dagdag niya. —LBG, GMA News