Masayang ibinalita ng "Bubble Gang" babe na si Denise Barbacena na nakapagtapos na siya ng kolehiyo pagkaraan ng sampung taon.

"It took ten long years and a pandemic," panimula ni Denise sa caption niya sa kaniyang graduation photo sa Instagram.

"I'd like to thank my family, dear friends, and loved ones who supported me and cheered for me every time things were a bit heavy to handle," patuloy niya.

Nagpasalamat si Denise sa kaniyang mga propesor at artist center family dahil nagawa niyang pagsabayin ang kaniyang pagtatrabaho at pag-aaral.

 

 

Sa kaniya namang vlog post, ipinakita ni Denise ang ginawa niyang pagsorpresa sa kaniyang mga magulang sa kaniyang pagtatapos nang ipakita niya ang kaniyang graduation photo.

Laking tuwa ng mga magulang ng Kapuso star nang makita ang larawan pero nagbiro si Denise at kunwaring prank lang ang larawan kaya tila nalito ang kaniyang mga magulang kung totoo ba o hindi nagtapos ang kanilang anak.

Sa naturang vlog, ipinaliwanag din ni Denise kung bakit tumagal ng 10 taon ang pagkuha niya ng kursong medical technology.

Aniya, 2010 siya nag-enroll at kasunod nito ay napasali na siya sa GMA show na 'Protoge," at nagkasunod-sunod na ang kaniyang trabaho.

"So yung isang semester kinukuha ko siya ng isang buong taon kaya tumagal ng sampung taon 'tong journey ko sa college," paliwanag niya.

Sa kabila ng lahat, masaya at nagpapasalamat so Denise na graduate na siya.

"Bawat failure, bawat delay sa subject, bawat mababang score sa quizzes, sa exams, 'yung kaba na baka hindi ko 'to maipasa dahil wala akong masyadong aral dahil galing ako sa taping or may inaral akong kanta para ma-perform ko rin ng maayos. After all the delays, I wanna believe God has a plan in his own timing," saad niya.— FRJ, GMA News