Inihayag ni Rocco Nacino na nagkaroon siya ng anxiety nang matigil ang kaniyang trabaho dahil sa COVID-19. Pero naging sandalan niya ang kaniyang nobya na si Melissa Gohing para harapin ang kaniyang pinagdadaanan.

"I never really found or realized that this whole thing, this whole pandemic actually affected me," pagbabahagi ni Rocco sa Kapuso Showbiz News.

Nang magsimula ang lockdown, nawala raw ang pinagkukunan ni Rocco ng pagkakakitaan tulad ng tapings, movies, mall shows, at iba pang trabaho.

"[I] realized na oo nga ano, I went through anxiety pala, not depression," pag-amin ng aktor.

"May time din naisip ko na 'Hala, hindi na ako magkakaroon ng trabaho. Eh nagpapatayo pa ako ng bahay ngayon. So talagang naglalabas ako nang naglalabas ng pera. Paano ngayon nawala lahat?" pagpapatuloy ni Rocco.

Dahil dito, napadalas din daw ang pagkain ni Rocco, na dahilan para tumaba siya.

"Ang naging effect sa akin, tumaba ako. I went through that phase na kumain ako nang kumain para lang ma-relieve 'yung anxiety ko. Lumobo ako," natatawa niyang sabi.

Sa kabila nito, si Melissa raw ang nagsilbing tagapakinig ni Rocco sa kaniyang mga pinagdadaanan.

"Si Melissa medyo naging punching bag ko," natatawa niyang kuwento. "Naglalabas ako ng saloobin, nagwo-worry ako, anong gagawin ko, at may ibang way pa ba para kumita?"

Nakatulong din daw sa aktor ang pag-e-ehersisyo at pakikipag-interaksyon sa mga tao para manumbalik ang dati niyang sigla.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News