Sa kaniyang latest vlog, itinampok ni Michael V. ang koleksyon niya ng kaniyang mga laruan kabilang na ang paborito niyang si Voltes V. At dahil may gagawin ang GMA na Voltes V live action series, inamin ng aktor na nagboluntaryo siyang makasama sa proyekto.
Sa kaniyang #BitoyStory 24, ginamit ni Michael ang kaniyang mga Dragon Ball Z at Harry Potter action figures para ibahagi ang kaniyang kabataan at pagkahilig kay Voltes V.
Sinamahan pa niya ito ng rap song para sa narration ng kaniyang kuwentong kabataan.
"'Pag nagma-mature tayo, nao-obliga tayong kalimutan 'yung pagiging bata eh. Mas lumalaki daw tayo, mas lumalaki 'yung mga problema, mas lumalaki 'yung responsibilidad. At 'pag nangyari 'yon, ang dami nang mga bagay na lumalagpas lang sa atin," sabi ni Michael o Bitoy sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
"Dahil mayayabang na 'yung mga mature na mga sarili natin, hindi na natin ine-enjoy 'yung kababawan. May mga nagsasabing matanda na tayo kaya hindi na tayo naglalaro. Pero ang totoo, hindi na tayo naglalaro kaya tayo tumatanda," sabi pa niya sa video.
Kaya payo niya, "Sana huwag niyong hayaang mawala 'yung inner child ninyo. Huwag tayong maging isip bata. Dapat pusong bata. Para kahit gaano kaliit, kahit gaano kababaw, kahit gaano ka-walang kuwenta sa iba, ang importante makahanap tayo ng dahilan para maging masaya."
Sinabi rin ni Bitoy na kay Voltes Five nag-ugat ang kaniyang creativity.
"Natuto akong mag-scratch build. Talagang nagpupunta kami ng tambakan ng basurahan para makahanap ako mismo ng mga tsinelas tapos 'yung mga tsinelas na 'yun na goma 'yun 'yung dino-drowingan ko. Tapos kina-cut ko, binubuo ko, ginagawa kong action figure," anang Bubble Gang creative director.
Sinasalamin daw ni Voltes V ang marami niyang masasayang alaala at pangarap sa buhay.
"Pangarap ko lang noon magkaroon ng Voltes V na laruan. Pero habang nagkakaedad na ako, 'yung pangarap na 'yon parang exponential eh, nagmu-multiply. As much as nadagdagan at mas lumaki 'yung pangarap ko sa buhay, hindi pa rin nawala 'yung maliit na 'yun. So I think nakatulong siya para mapunta ako sa kinalalagyan ko ngayon," paglalahad niya.
Nagpapasalamat naman si Bitoy na sa tulong ng internet, mas lumalawak na ang kaniyang kaalaman pagdating sa sikat na anime.
Kasabay nito, lumalawak pa ang kaniyang koleksyon ng Voltes V.
Hindi raw makapaniwala si Michael nang malaman niyang bumubuo ang Kapuso Network ng live action series ng Voltes V.
"First time maririnig ng audience ito ha. Parang pinagsisiksikan ko na 'yung sarili ko doon sa project. Kinausap ko si direk Mark, kinausap ko 'yung mga boss ng GMA, sabi ko, baka puwede sumali ako diyan kahit paano?' So huwag na kayong magtaka kung magkaroon ako ng participation in any form doon sa project," sabi ni Bitoy.--Jamil Santos/FRJ, GMA News