Inihayag ni Bossing Vic Sotto na mas napagtanto niya ang importansiya ng pamilya mula nang isailalim sa community quarantine ang bansa.
"Itong 85 days na nakaraan, may isang bagay na nagmulat sa akin. Minsan nakakalimutan natin ito, 'yung importansiya ng pamilya," sabi ni Vic sa "Eat Bulaga" nitong Martes habang work form home sa bahay at kausap naman sina Jose Manalo na nasa studio.
"Nabanggit ko 'yung pamilya kasi tayo araw-araw umaalis tayo ng bahay, nagtatrabaho, minsan nakakalimutan na natin 'yung duties natin sa pamilya," pagpapatuloy niya.
Kuwento ni Vic, pinaka-nakinabang daw sa lockdown ang anak nila ni Pauleen Luna na si Tali dahil natutukan nila ito nang husto at naturuan.
"Sa darating na pasukan first year high school na ito sa dami ng natutunan nito," pabirong sabi ni Bossing Vic.
Habang naka-live, ipinamalas ni Tali ang kaniyang new found skill na pagbibilang sa iba't ibang lenggwahe gaya ng Japanese, Chinese, Spanish at Tagalog.
"'Yung sinasabi ko na araw-araw tayong wala tapos 85 days parati tayong magkakasama, doon mo makikita 'yung kahalagahan at pagmamahal ng pamilya. Tulad ng mga pamilya nating nasa malayo na hindi natin nakakasama, medyo matagal-tagal na rin. Mararamdaman mo kung gaano kahalaga ang pamilya, lalo na sa ating mga Pilipino," sabi ni Vic. -- FRJ, GMA News