Napaghandaan na raw nina Yasmien Kurdi at ng asawa niyang si Rey Soldevilla ang krisis na hinaharap ngayon ng mundo sanhi ng COVID-19 dahil naranasan na rin daw nila noon na hindi kumita.

"Sa aming mag-asawa napaghandaan namin kasi dati naranasan na rin namin ito nu'ng time na nag-aaral si Rey tapos ako naman nag-quit ako ng showbiz," kuwento ni Yasmien sa Kapuso Showbiz News.

"Kaming dalawa wala kaming income for a year. Naranasan na namin 'yung ganitong situation kaya we always make it a point to be prepared sa ganito at magplano sa ganitong situation," dagdag pa niya.

Mahalaga aniya na makaipon para sa mga hindi inaasahang pagkakataon.

"In our case, we made sure we that have a fund for emergency or unforseen situations like this, enough for us to get by for at least a year or so," anang Kapuso actress.

Handa naman si Yasmien kung sakaling tawagin na ulit siya sa trabaho.

"'Pag tinawag na nila ako for taping ready na po ako, siyempre call of duty po natin 'yan and artista ako, so hindi naman umaandar ang isang production kung walang artista."

Sa tingin naman niya, magiging hamon sa mga writers at producers kung paano sila makakapag-conceptualize gayong may social distancing at kailangang magsuot ng masks.--Jamil Santos/FRJ, GMA News