Habang nangangapa ang Hollywood kung papaano magsisimula kapag pinayagan na muling gumawa ng pelikula at TV show sa panahon ng coronavirus, isang sektor umano ng industriya ang pinaniniwalaang mas handa na sa ganitong pagkakataon--ang mga gumagawa ng porno o sex videos.

Sa ulat ng Reuters, sinabing dahil lantad sa iba't ibang nakahahawang sakit (tulad ng HIV/AIDS) ang mga nagtatrabaho sa porn industry sa Los Angeles, gumawa umano ang mga ito ng sariling testing system at database noong 1990s.

Ang naturang sistema rin umano ang gagamitin ng porn industry ngayong COVID-19 pandemic para protektahan ang kanilang mga manggagawa.

“When we first starting talking about COVID, we felt very well prepared because we have a whole history of testing within the industry as well as contact tracing and production shut-downs,” sabi ni Mike Stabile, tagapagsalita ng Free Speech Coalition, isang trade association para sa U.S. adult entertainment industry.

“This is obviously a different type of virus, this is a different type of threat, but we understood in general how it would work and what we’d need to do in order to protect ourselves,” dagdag niya.

Ginawa umano ang mga protocol noong huling bahagi ng 1990 matapos na dayain ng isang porn actor ang kaniyang HIV test at nakahawa ng ibang nasa industirya.

Ang dating porn star na si Sharon Mitchell, na may hawak na ngayong doctorate in human sexuality, bumuo ng sistema na tinawag na PASS (Performer Availability Scheduling Services).

Sa naturang sistema, kailangang magpa-test ang mga porn actor sa sexually transmitted diseases tuwing ikalawang linggo o 14 araw. Ipapasok ang resulta ng pagsusuri sa isang database na magbibigay ng impormasyon sa mga producer at director kung sino ang "clean" at puwedeng sumabak sa trabaho.

“All it tells us is a binary. Are you clear to work or are you not clear to work?” sabi ni Stabile.

Aminado naman si Stabile na mas komplikado ang COVID-19 dahil mas madali itong makahawa. Pero handa umano silang makipagtulungan sa Hollywood studios para ibahagi ang kanilang kaalaman.

“The challenges for sports, for Hollywood and the porn industry are all different but in reality, we each have things we can learn from each other,” dagdag ni Stabile.

Ayon sa ulat, nagsasagawa na umano ng ugnayan ang Hollywood movie studios, television networks at iba pang grupo na kumakatawan sa mga artista at talents kung mapoprotektahan ang lahat kapag pinayagan na muli silang magtrabaho.

Batay umano sa nakalabas na impormasyon mula sa industry sources, kabilang sa mga pinag-iisipan ng industriya ay ika-quarantine ang buoang cast at crew habang isinasagawa ang shooting, may medics sa set, temperature test kada 12-oras at palitan ng computer generated imagery kung kailangan ng maraming extra sa paligid. --Reuters/FRJ, GMA News