Nagpositibo sa COVID-19 at gumaling ang dating SexBomb dancer at ngayon ay medical frontliner na sa Anaheim, California na si Jacque Esteves.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mahigit isang dekada nang nakatira sa nasabing lugar si Jacque, at doon na siya nakapag-asawa at nagkaroon ng tatlong anak.
"Talagang na-touch ako, medyo kinabahan ako kasi nami-miss ko na sila, ang tagal ko na silang hindi nakakausap. So nu'ng nag-usap kami ulit, parang bumalik ulit 'yung time na nagkukulitan pa rin kaming lahat," kuwento ni Jacque nang mag-online reunion sila ng mga kapwa niya SexBomb singers.
Dahil isang medical frontliner, nakuha niya sa kaniyang trabahi ang COVID-19 at nagpositibo siya sa virus noong Abril 1.
"'Yung lungs ko noon, nagbi-build up. So halos natutulog ako nakaupo dahil kapag nakahiga ako, nagbi-build up tapos hindi na ako makahinga. 'Yung body mo parang tinutusok, 'yung chest ko parang may nag-stab na kutsilyo, ganoon ang napi-feel ko," kuwento ni Jacque.
Kaya paalala ni Jacque na nagpapagaling na ngayon, huwag ipagsawalang bahala ang paalala ng mga awtoridad.
Patok na patok ang SexBomb mula sa pag-perform hanggang sa pag-arte, at isa rin sa mga kumompleto sa childhood ng marami noong 2000s.
Nag-reunite ang SexBomb singers matapos ang 13 taon kamakailan pero dahil sa enhanced community quarantine, sa online muna sila nagkamustahan.
Kumpleto sa online conference sina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Monique Icban, Evette Pabalan, Izzy Trazona, Weng Ibarra at Jacque Esteves.
Napa-throwback din ang marami nang kantahin nila ang theme song ng kanilang hit series na Daisy Siete.
"Natutunan ko nga dito sa ECQ, mag-reconnect sa mga dating kaibigan. So sabi ko 'Bakit wala naman kaming ginagawa, try ko ngang ma-contact ang mga ito. Lahat pumuwede! Sabi ko 'Oh my gosh!' Ilang years kong inantay 'to," kuwento ni Rochelle.
Para sa mga SexBomb fans, maaaring malapit nang mapanood ang kanilang mga idol dahil napag-uusapan nila ang isang reunion show.
"Merong binubuo, hindi ko lang masabi kung kailan kasi hindi rin naman natin masabi kung hanggang kailan itong ECQ na ito," ayon kay Rochelle.--Jamil Santos/FRJ, GMA News