Nasangkot sa gulo ang dating asawa ni Sunshine Dizon na si Timothy Tan sa isang restaurant sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras nitong Sabado, putok ang noo at nakabenda ang kanang kamay ni Robert Sison matapos umano nitong makaaway si Tan sa isang restaurant sa Tomas Morato Avenue.

Kuwento ni Sison itinulak umano siya ni Tan at biglang sinuntok habang nasa CR siya.

"He punched me right here. This was the first damage (nakaturo sa taas ng kilay). There was this hard object na may naramdaman ako that hit me," ani Sison.

Itinanggi naman ni Tan ang alegasyon at sinabing si Sison ang unang umatake at gumanti lang siya para protektahan ang sarili.

"When I turned back because I'm done already, I saw him on the urinal and then he just pushed me and sabay suntok," pahayag ni Tan.

Ayon kay Tan, kilala niya si Sison.

"Yung ex-wife niya was allegedly linked to me before and then my ex-wife also filed a case against me pero the case was dismissed so walang na-prove dun sa kasong 'yun," ani Tan.

"Let the people think and decide kung sino ang may mas motibo sa amin manakit, ako ba o siya?" dagdag ni Tan.

Kinumpirma ni Sison na asawa niya ang nabalitang naging kalaguyo ni Tan.

"His wife is Sunshine Dizon and Sunshine Dizon filed a case against him and his lover who happens to be my wife, Clarisma Sison," aniya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Superintendent Pedro Sanchez ng Quezon City Police District Station 10 na inihayag ni Sison na si Tan ay ka-live in o kalaguyo ng kanyang asawa, na maaaring naging mitsa ng kanilang away.

Nagsampahan ng reklamong physical injury sina Tan at Sison. —Jamil Santos/ALG, GMA News