Nadakip sa Las Piñas City ang isang Nigerian at kaniyang live-in partner matapos silang mahulihan ng shabu na isiniksik sa solar lights at kanila sanang ipadadala sa Nigeria.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naharang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Special Task Force ang sasakyan ng mga suspek na nagdadala ng package na may lamang droga umano.
Tumambad ang ilang piraso ng solar lights matapos buksan ang kahon. Binuksan ng mga awtoridad ang loob nito, at bumungad na ang itim na plastic na isiniksik dito.
Sinuri ng chemist ng NBI ang plastic na nasa loob ng mga ilaw sa pamamagitan ng kanilang equipment at positibo itong natukoy na methamphetamine hydrochloride o shabu.
“I’m surprised because if I know there is drug inside, I cannot use my house address. He asked me to send it in there in Nigeria,” sabi ng dayuhan.
Inilahad ng impormante ng NBI na ilang beses nang nagpapadala ng droga ang suspek sa kaniyang sinusuplayan sa kanilang bansa.
Patuloy na inaalam ng NBI ang halaga ng nasabat na droga.
Mahaharap naman ang mga suspek ng reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News