Natukoy na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkakakilanlan ng lalaking nagpanggap nilang tauhan para makapangikil sa isang motorista.
Ayon sa MMDA, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa netizen tungkol sa pagkakakilanlan ng lalaki at kung saan ito nakatira.
Makatatanggap umano ng P10,000 na pabuya ang netizen na nagbigay sa kanila ng impormasyon.
Una rito, nag-viral kamakailan ang video sa ginawang paninita ng pekeng enforcer sa isang motorista na dahil sa paglabag umano sa batas trapiko.
Ayon sa nagpapanggap na enforcer, imbes na magmulta ng P2,000, puwede nila itong pag-usapan ng motorista.
Ngunit ang motorista, nagduda dahil bukod sa wala siyang traffic violation, napansin niyang wala ring plaka ang motor ng lalaki at hindi rin ito nakauniporme.
Dahil nagmamapilit ang motorista na makita ang ID ng nagpakilalang enforcer, bigla na lang itong umalis.
Hinikayat ng MMDA ang sinumang nabiktima ng lalaki na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa isasampang kaso.
“Iniimbitahan po namin kayo na magsimute ng affidavit of complaint para mas mapalakas pa ang kasong isasampa laban sa kanya dahil sa kanyang maling gawain,” saad ng MMDA sa pahayag.—FRJ, GMA Integrated News