Patay ang isang rider ng motorsiklo matapos siyang pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Tondo, Maynila. Nadamay pa ang isang binatilyo na tinamaan ng bala sa likod habang nakasakay sa tricycle.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera sa Barangay 141 sa Balut Tondo, habang dumadaan ang biktimang si Paolo Ambito, 31-anyos, sakay ng motorsiklo.
Nasa unahan naman niya ang tricycle na sinasakyan ng binatilyo na nakaupo sa likod ng driver.
Maya-maya lang, isang lalaki ang humabol sa biktima at nagpaputok ng baril.
Nang natumba ang biktima, tumakbo palayo ang bumaril pero isang lalaki pa ang lumapit kaniya at muli siyang pinagbabaril.
Tumakas ang dalawang salarin na tumakbong nakayapak papunta sa kanilang getaway car na isang SUV.
"Nagba-backtracking tayo kung saan galing yung mga suspek...baka may mga mahagip," ayon kay Police Lieutenant Colonel Melvin Florida Jr., commander, MPD Station 1.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen pero batay sa paraan ng pagpatay sa biktima, sinabi ni Florida na tila matindi ang galit ng mga suspek.
Ang ama ng biktima, wala raw alam na kaaway ang kaniyang anak.
Dinala naman sa pagamutan ang binatilyong nadamay na nagtamo ng tama ng bala sa likod.
Apat na basyo ng bala ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen. --FRJ,GMA Integrated News