Patay ang isang 36-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin sa labas ng isang tindahan sa Caloocan City. Ang biktima, nagawa pang habulin ng ilang metro ang salarin na nakamotorsiklo bago siya bumagsak at tuluyang namatay.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Eleil Dionisio, na residente ng Barangay 176, sa Bagong Silang, Caloocan.
Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang pagdaan ng suspek na sakay ng motorsiklo. Ilang saglit pa, nasa likod naman niya ang duguang biktima na tumatakbo.
Pero bago pa man abutin ng biktima ang suspek, bumagsak na siya sa semento at idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pinagbabaril ang biktima sa labas ng isang sari-sari store. Nakatakbo pa siya ng halos 50 metro para habulin ang salarin na nakasakay sa motorsiklo.
"Continuous investigation pa rin kami and follow up operation for the identification of suspect and back tracking of cctv," ayon kay Police Captain Joniber Blasco, Caloocan Police Sub-station 13 commander. "Sa ngayon marami kaming anggulo tinitingnan."
Apat na basyo ng bala ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Ang pamilya ng biktima, walang maisip na posibleng dahilan para patayin ang kanilang kaanak. Hangad na mabigyan ng hustisya ang kaniyang sinapit.-- FRJ, GMA Integrated News