Tinutugis ang isang motorcycle taxi rider dahil sa pangha-harass at pangho-holdap umano sa pasahero niyang babae mula sa Quezon City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nag-viral ang post ng biktima, na isang BPO employee, kung saan isinalaysay niya ang harassment at pangho-holdap umano sa kaniya ng salarin.
Dumulog ang biktima sa substation 4 ng Pasay Police upang pormal na ireklamo ang rider.
Ayon sa biktima, papasok siya sa trabaho sa Taguig Miyerkoles ng gabi at nag-book siya sa Cubao, Quezon City.
Isinakay naman siya ng salarin, ngunit nagsimula na siyang mangamba nang ilampas na siya ng rider sa dapat niyang bababaan.
“‘Ma’am baka puwedeng samahan niyo ako?’ Sabi ko ‘Saan po?’ Sabi niya ‘Diyaan lang po’ ‘Ay hindi kuya kasi may pasok ako.’ Ang dapat pong way niya is magtu-turn left siya. Ang ginawa po niya nagdire-diretso po siya, doon na po ako nag-start na mag-panic,” sabi ng biktima.
Kinuha ng rider ang handbag ng biktima na may pera, kaniyang mga ID at debit card, bago ibinaba sa madilim na bahagi ng Pasay na malayo sa kaniyang destinasyon.
“Sabi niya ‘Sige ma’am ibababa kita pero ibibigay mo sa akin ‘yung gamit mo.’ Pagbaba ko, before akong bumaba, minake sure niya na hawak na niya ‘yung bag ko para pagbaba ko ng paa ko, makakaalis na po siya,’” sabi ng biktima.
“Nakaka-trauma. And then after po noon every time na nakakakita ako ng rider, lagi siyang [pumapasok] sa isip ko, hindi siya mawala,” sabi pa ng biktima.
Base sa inisyal na pakikipag-usap ng mga pulis sa kinatawan ng motorcycle company, pag-uusapan ng kanilang pamunuan kung paano nila ito tutugunan.
Sinisikap din ng GMA Integrated News na makuha ang kanilang panig. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News