ABOARD BRP DAVAO DEL SUR, West Philippine Sea - Hindi pa rin tinatantanan ng warship ng China ang nagaganap na multilateral maritime exercise ng Balikatan sa hilagang kanluran ng Palawan dito sa West Philipine Sea.
Tila nagpapalitan lamang kasi ilang warship nila sa pagbabantay sa pagsasanay ng mga magkakaalyadong navy rito.
Buong araw hanggang gabi ng Sabado, isang surveillance vessel ng China na may bow number 793 na animo’y “uninvited participant” ng multilateral maritime exercise ang namataang sumusunod sa mga barko ng Pilipinas, Amerika at France.
Ngayong Linggo, isang PLA-Navy frigate na may bow number 570 naman ang nagpakita at sumusunod sa distansyang nine nautical miles mula sa sinasakyan naming navy vessel.
Hindi ito alintana ng mga barko ng Pilipinas at France na tuloy lang sa pagsasanay ng division tactics gaya ng formation at maneuver ng mga sea vessel sa dagat.
“Kanina na monitor naman natin sila around six to nine nautical miles malayo naman ang kanilang presence sa exercise area natin,” ayon kay Cdr. Marco Sandalo, ang commanding officer ng BRP Davao del Sur LD602.
Nitong Enero, kasama ang Huangshan frigate na ito at isang destroyer
sa dalawang Chinese warship na bumuntot rin sa ikalawang joint maritime patrol ng Philippine at US Navy dito rin sa West Philippine Sea.
Sa paglalayag sa dagat na ito, may mga barko ng mangingisda na nakikita sa radar ng aming barko.
Ang hindi pa matiyak kung isa sa mga na-monitor ng Navy ay isang Chinese militia vessel.
Sa pagsisimula ng Balikatan Exercise, biglang umakyat sa 110 militia vessels ng China ang namataan ng Philippine Navy sa West Philippine Sea - napakalayo sa weekly average na mahigit 30 to 60 vessels lamang.
Ang mga militia vessel ng China kasama na ng kanilang coast guard ang kabilang sa mga nangha-harass umano sa mga barko ng Pilipinas, lalo na sa mga misyon patungong Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre.
Kinahapunan, hindi na nakasama sa maritime exercise ang French frigate Vendemiaire dahil may medical emergency ang isa nitong sundalo. Hindi na rin namataan ang Chinese frigate.
“Si F734 needs to temporarily detach from the formations kailangan dalhin ang isang personal niya for a minor medical test sa Puerto Princesa, Palawan,” paglalahad ng skipper ng LD602.
Samantala, habang sinisimulan ang search and rescue exercise sa pagitan ng Pilipinas, at Amerika, muling sumulpot sa layong seven nautical miles ang isang surveilance warship ng China.
“Paminsan-minsan pasulpot-sulpot nandyan sila tapos mawawala. Ang importante namomnonitor namin Ang kanilang mga presence at naipapahatid natin yung kanilang movement sa higher headquarters,” ani Sandalo. — DVM, GMA Integrated News