Napili ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos si Police General Francisco Marbil bilang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Nagsimula ang pamumuno ni Marbil bilang PNP Chief ngayong Lunes, kasunod naman ng pagtatapos ng pinalawig na termino ni Police General Benjamin Acorda Jr. bilang pinuno ng kapulisan nitong Linggo.
“I hereby assume the position as Chief Philippine National Police effective April 1, 2024,” saad ni Marbil sa idinaos na change-of-command ceremony sa Camp Crame sa Quezon City.
Itinaas sa ranggong Police General si Marbil sa naturang seremonya.
Bago napiling PNP chief, nagsilbi si Marbil bilang pinuno ng PNP Directorate for Comptrollership (DC), director ng Police Regional Office 8 sa Eastern Visayas, at hepe ng PNP Highway Patrol Group.
Miyembro siya ng Philippine Military Academy 'Sambisig' Class of 1991.
Nakatakdang magretiro si Marbil sa February 7, 2025, pagsapit ng kaniyang mandatory retirement age na 56.
Pero maaari siyang magtagal sa posisyon kung nanaisin ng pangulo gaya nang nangyari kay Acorda, na unang itinalagang PNP chief noong April 2023.
Dapat sanang nagtapos ang termino ni Acorda bilang PNP chief noong December 2023 nang sumapit ang kaniyang edad na 56, na mandatory retirement age sa mga pulis.
Subalit pinalawig ni Marcos ang kaniyang panunungkulan hanggang sa magtapos nitong March 31.
Atas ni Marcos sa PNP
Sa kaniyang talumpati sa change-of-command ceremony, inatasan ng pangulo ang kapulisan na pag-ibayuhin pa ang kanilang trabaho.
“Let us ensure that the PNP will be agents of progressive transformation in the lives of our people by ensuring the safety and well-being of every community in the land,” ani Marcos.
Tiniyak din ni Marcos kay Marbil ang kaniyang buong tiwala at suporta na pamunuan ang 230,000 puwersa ng kapulisan.
Binigyan-pansin din ng pangulo ang tumataas na banta ng cybercrime, terrorism, at transnational crimes, na kailangang tugunan ng kapulisan.
“We will continue to uphold the highest standards of professionalism and give the finest service to our beloved citizens,” Marcos said.
Misyon ni Marbil
Sa talumpati naman ni Marbil, sinabi nito na itutuon niya ang kaniyang pansin sa kalidad ng kaniyang pamumuno, paglaban sa local at transnational crimes, at mapataas ang tiwala ng publiko sa kapulisan.
“First, the quality of leadership, knowledge, ability, and professionalism within the ranks,” ani Marbil.
“Second, expanding our ability to uphold the law, maintain order, and fight local and transnational crimes in all forms and manifestations. To this end, we commit to utilizing the best and innovative practices in law enforcement,” dagdag niya.
“And third, but not the least, we will strive to increase the level of trust that the people we protect have in us. We will focus on increased community satisfaction in our work as a key benchmark of our progress,” sabi pa ng bagong PNP chief.
Binigyan-diin din ni Marbil ang kahalagahan ang pagpapatupad ng transparency at accountability ng mga opisyal sa kanilang mga trabaho.
“We need officers who recognize that it is simply not enough to act decisively, relentlessly, and fast in the war against crime, but that there must also be accountability and transparency on our end,” giit niya. —mula sa ulat ni Joviland Vita/FRJ, GMA Integrated News