Nasa kostudiya ng mga pulisya ang isang "person of interest" sa nangyaring pagsaboy ng asido sa mukha ng isang babaeng lady guard sa Las Piñas City.
“On March 20, 2024, during the conduct of Oplan Galugad, a person of interest was remanded in custody and is now being questioned regarding his involvement in the incident,” ayon sa pahayag ng Southern Police District (SPD).
“[Las Piñas City Police Station] is currently coordinating with the victim for the identification of the suspect,” dagdag nito.
Nangyari ang pag-atake sa lady guard noong madaling araw ng March 14 sa Barangay Pulang Lupa Dos, at nai-report lang sa SPD noong March 18.
Sa ginawang pagsaboy ng asido, hindi makakita ang biktima at nahirapang makahinga kaya dinala siya sa ospital.
Hindi alam ng biktima kung sino ang suspek pero mayroon umano siyang nakasagutan na lalaki noong March 13 na labas-masak sa binabantayan niyang subdibisyon.
"Sabi ko sa kaniya, Sir saan po tayo pupunta? Pabalik-balik po kasi tayo. Sabi niya po sa akin, ‘P***** i** mo bakit mo ko sisitahin taga-rito lang ako?’ Sabi ko, ‘Kaya ka nga po namin sir sinita kasi hindi ka nga po namin kakilala eh,’" kuwento ng lady guard.
"‘T*** i** mo pala e diyan ako nakatira bagong lipat ako diyan nangungupahan ako diyan.’ Ah ganon ho ba? Sige, saan po ba tayo banda diyan?’ Nagbanta po ‘yun sabi niya sa akin ‘Maghintay ka babalikan kita,’" dagdag pa niya.
Tiniyak naman ng SPD na gagawin nito ang lahat para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng lady guard. —FRJ, GMA Integrated News