Kahit walang ulo at iba pang parte ng katawan, natukoy pa rin ang pagkakakilanlan ng nakitang putol na bahagi ng katawan ng lalaki sa daluyan ng tubig sa Cavite-Laguna Expressway sa Silang, Cavite.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing taga-Quezon City ang biktima na kinilala ng kaniyang mga kaanak dahil sa tattoo na nakita sa dibdib nito.
Ayon umano sa mga kaanak ng 23-anyos na biktima, dalawang linggo na nila itong hinahanap.
“Namatay si victim sa tatlong saksak sa dibdib. Malinis po yung pagka-cut doon po sa body parts doon sa mga body parts na nawala,” sabi ni Silang Police Chief Police Lieutenant Louie Gonzaga.
Ayon sa pulisya, lumilitaw na dating nasangkot tungkol sa kaso ng ilegal na droga ang biktima.
“Ang recollection ng live in partner, March 3 sila last nagkita. Nung hapon, at around 12 pm, nagpunta sa bahay ng isang kakilala. Inihatid itong si victim ng kakilala niya doon sa kalapit na lugar. According to the family, sinamahan siya ng tatlong tao,” sabi pa ni Gonzaga.
Nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage ang pulis sa ilang lugar para hanapin ang iba pang parte ng katawan ng biktima.
Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), dahil dati na ring may nakita putol na bahagi ng katawan sa Carmona, Cavite na isa namang Chinese national nito lang nakaraang buwan.
"Na-contact na natin yung isa sa mga magulang. May coordination na rin tayong ginagawa sa Embassy. May anggulo na nagtrabaho siya doon sa mga POGO hubs dito sa Metro Manila," sabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.-- FRJ, GMA Integrated News