Patay ang isang alagang aso matapos itong saksakin ng isang Korean national sa Malate, Maynila.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing ayon sa imbestigasyon, inilahad ng Korean national na nakagat siya ng isang asong gala.
Humingi ang dayuhan ng tulong sa kalapit na restaurant upang malinis ang kaniyang sugat.
Matapos nito, nakita niya ang isa pang aso at bigla siya nitong tinahulan.
Pinagsasaksak niya ang aso gamit ang kutsilyo mula sa kainan.
Ikinasawi ng aso ang natamo nitong hanggang limang saksak.
Hindi nagbigay ng kaniyang panig ang Korean at ang asawa niyang Pinay.
Maharap ang Koreano sa mga reklamong paglabag sa Animal Welfare Act, malicious mischief at illegal possession of deadly weapon.
Sinabi ng may-ari ng aso na humingi ng paumanhin sa kaniya ang Korean national.
“Nagso-sorry siya sa akin. Ang sabi ko, okay lang pero kailangan mong i-face ‘yung consequences eh, nandu’n na tayo eh. Minsan kailangan ding maging lesson para sa iba. Three years mula pandemic, napamahal na rin sa amin ‘yung aso na ‘yun. Kahit stray dog lang ‘yun, sobrang mahal namin yun,” sabi ng may-ari ng aso. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News