Patay nang matagpuan ang isang mag-asawang senior citizen sa nasunog nilang bahay sa Cubao, Quezon City. Ang kasambahay na nakaligtas, iniimbestigahan nang magtangkang tumakas habang nasa kustodiya ng barangay.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang sunog pasado 8 p.m. ng Martes sa bahay ng mga biktima sa Stanford Street, Barangay E. Rodriguez.
Umabot sa unang alarma ang sunog, at mabilis naman itong naapula.
Mga edad 77 at 80 ang mag-asawang senior citizen, na kinumpirma ng pamunuang barangay na nasawi.
Gayunman, hindi pa matukoy ng barangay kung sa sunog pumanaw ang dalawa.
“Actually, may dugo kasi kaya bahala na ang investigator… mag-establish kung ano ‘yung mga nakita nila at naimbestigahan nila ‘yung nasabing pangyayari. Kung arson man ‘yan or talagang merong crime na ginawa sa pamamagitan ng pagtatago ng kaniyang krimen,” sabi ni Barangay Captain Marciano Buena-Agua.
Nakaligtas ang kasambahay ng mga biktima, ngunit naghinala ang barangay dahil una siyang nakaligtas ng bahay at may bitbit pang maleta.
Dinala ang kasambahay sa barangay hall habang gumugulong ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Habang nasa kustodiya, tumakas umano ang kasambahay matapos magpaalam na magbabanyo lang siya.
Mula sa ikalawang palapag, lumundag ang kasambahay at makikita sa CCTV na kumaripas paalis.
Mabilis naman siyang natunton ng mga tanod habang naglalakad papunta sa sakayan dahil wala rin siyang tsinelas.
Dinala ang kasambahay sa pinangyarihan ng sunog para sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection.
Nanindigan ang kasambahay na wala siyang ginawang masama.
“Kahit ano ang ginagawa niyo sa akin, wala akong ginagawang masama, hindi ko kaya ‘yon,” saad ng kasambahay.
Ihahabilin sa PNP Criminal Investigation and Protection Unit ang imbestigasyon ng kung matutuklasan ng BFP na hindi sunog ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News