Sumuko na ang dalawa sa tatlong suspek sa pananambang at malubhang pagkakasugat sa isang 28-anyos na doktora sa Maguindanao del Sur. Ang mga suspek, nasa edad lang na 16 hanggang 18.
“We are happy to report, also, two suspects surrendered in line with the shooting of [Dr. Sharmaine Barroquillo],” sabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa press conference kasunod ng command conference sa Camp Crame nitong Huwebes, na pinamunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nabanggit din umano ni Marcos sa naturang command conference ang naturang kaso.
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), edad 17 at 18 ang mga suspek na sumuko, habang pinaghahanap pa ang isa pang suspek na 16-anyos.
Sinabi ni PRO BAR chief Police Brigadier General Allan Nobleza, na sumuko ang dalawa nitong Miyerkules sa tulong ng Pandan local government unit.
“The police are now conducting an investigation. They are going to file attempted robbery and frustrated murder,” ayon kay Nobleza.
Nitong nakaraang February 3, sakay ng kotse si Barroquillo nang pagbabarilin siya sa national highway sa bahagi ng Barangay Digal sa bayan ng Buluan.
Kahit sugatan, naitakbo pa rin ni Barroquillo ang sasakyan papunta sana sa ospital pero nakabangga siya ng tricycle na mayroong mga sakay.
Dinala sa ospital si Barroquillo, pati na ang mga sakay ng tricycle na kaniyang nabangga.
Nakatakas naman noon ang mga salarin.
Duktor si Barroguillo sa provincial hospital ng Sultan Kudarat, at residente ng Polomonok, South Cotabato.
Nitong Lunes, mariing kinondena ni Health Secretary Ted Herbosa, ang ginawang pananambang kay Barroquillo.
“Hindi lang doktor, pati nurses, midwife, lahat. Ang health workers ay tumutulong lang sa ating mga pasyente. Kung hindi kayo satisfied sa service nila, hindi paraan ang pagpatay sa ating health workers,” sabi ni Herbosa.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News