Nagdulot umano ng trauma sa isang pasahero ang hinihinala niyang "modus" ng kawatan sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniya ng ketchup habang nakasakay sa MRT.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing Disyembre nangyari kay Cris Manimtim ang insidente pero tandang-tanda pa rin niya ang mga detalye nito.
Kuwento ni Cris, papasok siya sa trabaho at sumakay siya ng MRT sa Cubao Station. Pero ang isang pasahero sa kaniyang harapan, lumipat daw sa kaniyang likuran pagsapit nila sa Ortigas Station.
At nang makarating na sila sa Shaw Boulevard Station, sinabihan siya ng naturang pasahero na mayroon siyang ketchup sa bag.
Sa larawan na ipinost noon ni Cris, makikita nga na may ketchup siya sa damit sa bandang balikat, at maging sa bag.
Pinahahanap daw siya ng pasahero ng tissue para punasan ang ketchup. Pero hinayaan na lang ni Cris ang ketchup kahit tumutulo na dahil naalala niya ang kuwento ng isa niyang kaibigan tungkol sa katulad na modus na nawalan ng gamit.
Kahit lumabas na siya sa bagon ng tren, sinabihan pa rin daw siya ng pasahero na magtungo sa CR upang doon maglinis. Pero hindi pa rin niya pinansin ang pasahero at dumiresto na siya palabas ng MRT.
Bagaman walang nawalang gamit sa kaniya dahil hindi niya binitawan ang hawak na cellphone, nanawagan si Cris sa pamunuan ng MRT na mas higpitan pa ang kanilang seguridad.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng pamunuan ng MRT. Gayunman, sinabi ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista, na ngayon lang niya narinig ang naturang uri ng modus at patitingnan daw niya ito sa MRT. -- FRJ, GMA Integrated News