Hiniling ng isang senador na imbestigahan ng Senado ang nangyaring pagkawala ng local beauty queen ng Tuy, Batangas na si Catherine Camilon.
Sa Senate Resolution 913 na inihain ni Senador Raffy Tulfo, nakasaad na nais din niyang maimbestigahan ang pagkakasangkot ng mga pulis sa mga karumal-dumal na krimen.
"The involvement of police officers in heinous crimes [has] been increasing in the past months and there is a need to review the screening process of police officers as well as the retention of officers in active duty," ani Tulfo.
Pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon si dating Police Major Allan de Castro, na sinibak na sa serbisyo nitong nakaraang buwan.
BASAHIN: Pulis na dawit sa pagkawala ni Camilon, 'pinakawalan' na ng PNP matapos sibakin sa serbisyo
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may relasyon sina Camilon at de Castro.
Ang naturang pakikipagrelasyon ni de Castro kay Camilon kahit may pamilya na ang una ang dahilan kaya sinibak siya sa serbisyon.
Bagaman inamin umano ni de Castro sa pulisya na may relasyon sila ni Camilon, itinanggi naman niya na may kinalaman siya sa pagkawala ng biiktima.
Huling nakita si Camilon sa isang mall sa Batangas noong Oktubre 12, 2023.
Ayon kay Tulfo, nais din niyang maimbestigahan ang pangyayari sa pagkawala ni Camilon, "for her family to gain swift justice."
Nagsasagawa ng preliminary investigation ang piskalya sa Batangas City kaugnay sa mga reklamong kidnapping and serious illegal detention na inihain laban kay De Castro. Gayundin sa kaniyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba.
BASAHIN: Jeffrey Magpantay na suspek sa pagkawala ni Catherine Camilon, sumuko na
Ayon sa mga saksi, nakita umano nila si Magpantay na nagmamando sa dalawang lalaki na may buhat na babaeng duguan at walang malay habang inililipat ng sasakyan.— may ulat si Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News