Huli sa entrapment operation ang isang lalaki na modus umano na paibigin ang mga babae na nakikilala niya sa dating app, hihingan ng pera para investment, at iiwanan na pagkatapos.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Jeremiah Jaime Vergara, na inaresto ng mga tauhan ng anti-cybercrime division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng isang restaurant sa Mandaluyong City.
Nang tingnan ang laman ng bag ng suspek, sinabing may nakitang mga bank passbook sa loob nito at tatlong sachet na may laman umanong cocaine.
Ayon kay Atty. Jeremy Lotoc, hepe ng NBI-anti cybercrime division, naghahanap ng mga target na babae sa dating app ang suspek na nasa edad na 30 hanggang 40.
Kapag napaibig na ang biktima, aalukin umano ng suspek ang babae ng negosyo para hingan ng perang pangpuhunan.
Pero ang pera, inilalaro umano sa casino.
"Kapag natalo, iiwan nang luhaan ang biktima," sabi ni Lotoc.
Nasa 20 babae umano ang nabiktima ng suspek, at aabot sa P15 milyon ang natangay na pera.
Nang hingan ng panig si Vergara, no comment siya sa alegasyon ng pagtangay sa pera ng mga babae na kaniyang pinaibig.
Samantalang itinanggi naman niya na sa kaniya ang ilegal na droga na nakita umano sa kaniyang bag.
"Pinakita nila na mayron silang hawak na sachet ng cocaine tapos sabi po nila galing daw po sa bag ko but hindi sa akin 'yon," giit niya.
Haharap si Vergara sa mga reklamong estafa at pag-iingat ng ilegal na droga.-- FRJ, GMA Integrated News