Sinusuri ngayon ng mga imbestigador ang isang pulang SUV na inabandona sa isang bakanteng lote sa Batangas City. Aalamin ng mga awtoridad kung ito nga ba ang sasakyan na pinaglipatan sa nawawalang guro at beauty queen na si Catherine Camilon.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabi ni Police Colonel Jacinto Malinao Jr., Regional Chief, CIDG 4-A, una raw napansin ng mga tao ang pulang CRV na walang plaka na nakaparada sa Barangay Dumuclay noong Nobyembre 8.
Una rito, sinabi ng dalawang testigo na nakita nila si Catherine na duguan at inilipat sa isang pulang SUV.
Kasama sa isinasagawang imbestigasyon ang paghahanap ng mga posibleng bagay o dugo na maaaring makatulong sa pagsisiyasat sa kaso ng nawawalang biktima.
Dinala na ang sasakyan sa Batangas Provincial Police Office para isailalim sa forensic tests.
“We are still waiting for the results of SOCO operations for possible presence of biological trace evidence like hair or blood,” sabi ni Malinao sa text message.
“This is a continuing effort aside from other investigative activities that we are conducting,” dagdag pa niya.
Oktubre 12 nang huling makita si Camilon na naglalakad sa loob ng isang mall bago nawalan sa kaniya ng komunikasyon ang pamilya.
Isang pulis ang itinuturing person of interest sa kaso ni Camilon. --FRJ, GMA Integrated News