Tumaas ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho o pinagkakakitaan nitong nakaraang Setyembre, batay sa resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority's (PSA).
Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na tumaas sa 2.26 milyon ang mga Pinoy na walang trabaho na nasa edad 15 pataas.
Noong nakaraang Agosto, nasa 2.21 milyon ang mga Pinoy na walang hanapbuhay.
Batay sa datos, 45 sa 1,000 katao na nasa labor force ang walang trabaho o pinagkakakitaan nitong September 2023, ayon kay Mapa.
Hinihinala na nakadagdag ang masamang panahon noong Setyembre sa mga dahilan kaya dumami ang walang trabaho.
Sabi pa ng pinuno ng PSA, marami sa labor force participants ang naghihintay na ipatawag muli sa kanilang pinapasukan o rehiring.
Kaugnay nito, nabawasan naman ang mga may trabaho sa 47.67 milyon nitong Setyembre, kumpara sa 48.07 milyon noong Agosto.
Katumbas ito ng 95.5% employment rate, na bahagyang mababa sa 95.6% noong Agosto.
Sa pagbaba ng labor force participation nitong Setyembre, hinihinala ni Mapa na isa sa mga dahilan nito ang “schooling,” dahil marami umano na nasa working-age population ang bumalik sa pag-aaral.
Ang top five sub-sectors na may mataas na taunang pagbaba ng bilang ng mga trabaho ang :
- Manufacturing (-888 thousand)
- Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles (-722 thousand)
- Agriculture and forestry (-649 thousand)
- Public administration and defense; compulsory social security (-160 thousand)
- Financial and insurance activities (-113 thousand)
Samantala, sinabi ni Mapa na mayroong 5.11 milyon na underemployed persons, o mga manggagawa nais ng dagdag na oras para magtrabaho.
Katumbas ito ng 10.7% underemployment rate na mas mababa sa 11.7% rate noong Agosto.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ginagawa ng pamahalaan ang mga dapat gawin para makaakit ng mga negosyante at namumuhunan sa bansa.
“The government is committed to improving the investment climate of the country to attract businesses that generate high-quality employment. We will continue to pursue enhancements to existing policies to address concerns in investments, particularly in infrastructure development in areas outside the National Capital Region,” anang opisyal.
“To further reduce barriers to workforce participation, we will continue to promote programs that encourage the adoption of wider alternative work arrangements, allowing people to remain productive from the comfort of their own homes,” dagdag pa ni Balisacan. —FRJ, GMA Integrated News